kakaiba ang lamig ngayon sa hangin - tumatagos sa laman, nanunuot at humihiwa sa a buto. kagaibi'y may nabasa akong maikling kwento. metaphorical ang dating, tipong pinag-iisipan. at sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan'y naka-relate ako sa kalagayan ng tauhan. napansin at naramdaman kong ang metapora sa akda ay metapora rin para sa akin. tungkol iyon sa isang nurse na nangibang bansa sa pagnanasang magkaroon ng masmagandang buhay. arrhytmia sa taglagas ang pamagat ng akda. subalit higit pa sa kondisyong medikal ang nais salatin at masalat ng akda. tumatagos ito sa kaibuturan ng mga pusong normal ang pintig at hindi binabalot ng taba. isang puso na tulad ng sa akin. normal na pumipintig, walang balaot na taba ngunit unti-unting pinababagal ang pagpintig, unti-unting pinapatay ng katahimikan ng sistema.
matagal ko nang nadaraman na pinalalamig ng kapaligiran ang init at alab ng aking mga pangrap. may mga pagkakataong nais ko nang sumuko at magpailalim na lamang sa umiiral na kaayusan.
subalit, tulad ng tauhan sa kwento'y nais kong kumawala sa katahimikang bumabalot sa akin. gusto kong magsisisigaw at pumalahaw na parang nawalan ng bait sa sarili. gusto kong wasakin ang lahat ng kagandahang nagkukubli sa realidad.
unti-unti ay bumabagal ang pagpintig ng pusong ito. natatalo na yata ng bumabalot na kawalang loob. papayag ba ako? hahayaan ko bang basta na lamang patayin ng kawalang pag-asa ang apoy na buong buhay kong pinaningas?
muli, ang sagot ay nasa akin parin. ang namumutawing tanong lamang ay : kung nais ko bang tanggapin ang kasagutan? hanggang sa pagkakataong iyon, mananatili ang lamig at ang katahimikan ng mga gabing mas mahaba na kaysa sa araw.
No comments:
Post a Comment